Nais ng ilang mga senador na aprubahan na lang ng Kamara sa lalong madaling panahon ang proposed P4.5-trillion 2021 national budget kaysa hintayin pa ang kopya ng budget bill sa Nobyembre 5 gaya ng ipinapangako ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Walang nakikitang dahilan si Sen. Panfilo Lacson kung bakit hindi kayang gawin ng Kamara ang third reading approval sa budget sa lalong madaling panahon at kailangan pang hintayin ang pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre 16.
Ayon kay Lacson, may pagkakataon pa naman ang mga kongresista na mag-resume ng kanilang session sa mga susunod na araw.
“How can the Senate accept a printed copy of an unapproved House version of the budget bill, as proposed by Speaker Cayetano? We can only file a committee report once the General Appropriations Bill is transmitted to us after it has been approved on third and final reading,” saad ni Lacson.
Sinabi ng senador na ang prayoridad ng Senado na maipasa on time ang national budget na tutugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Kahapon, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na humingi ng paumanhin si Cayetano sa kanya matapos na sisihin ang Senado sakaling magkaroon man ng delay sa budget.
Dagdag pa nito, nangangako rin si Cayetano na isusumite sa November 5 ang kanilang proposed copies ng budget, na nakatakdang aprubahan naman ng Kamara sa November 16.
Pero duda si Senate Finance Committee chairman Sonny Anggara na makakatulong sa kanilang mga senador ang November 5 commitment ni Cayetano.