-- Advertisements --

Mahigpit ng ipinagbabawal na pumasok sa loob ng Camp Crame ang mga maruruming sasakyan na bahagi ng Intensified Cleanliness Policy ng PNP.

Ito ang inihayag ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, kaugnay ng patakaran na ipinatupad sa Camp Crame ni Headquarters Support Service director Brig. Gen. Arthur Bisnar.

Ayon kay Eleazar, lahat ng maruming sasakyan ng mga sibilyan ay palalabasin; at ang mga sasakyan ng PNP personnel ay kailangang ipa-car-wash muna bago papasukin; habang ang maruruming staff cars ay ipapalinis sa tapat ng National Headquarters.

Sinabi ni Eleazar na maaaring kinokonsidera ng ilan na umiiral ang martial Law sa loob ng Camp Crame, pero makatuwiran aniya ito dahil maganda naman ang epekto.

Paalala ni Eleazar, nagsisimula sa disiplina ng pagiging malinis sa sarili, sa kagamitan, at sa kapaligiran, ang maayos na pagseserbisyo ng mga pulis sa taongbayan.

Dagdag ni Eleazar, Ipinauubaya niya sa bawat camp commander ang mga hakbang na ipatutupad para isulong ang Intensified Cleanliness policy ng PNP.