Nagdeklara ng martial law si Russian President Vladimir Putin sa apat na inaangkin nitong rehiyon ng Ukraine sa Kherson, Zaporizhzhia, Donetsk at Luhansk.
Ito ay matapos na lagdaan ni Putin ang isang decree para sa pagdedeklara ng martial law kung saan binibigyan din ng dagdag na emergency powers ang mga lider sa apat na Russian-occupied regions.
Sa televised remarks ni Putin sa mga miyembro ng Security Council, inatasan niya ang mga ito na bumuo ng isang special coordinating council sa ilalim ni Prime Minister Mikhail Mishustin para makipagtulungan sa apat na rehiyon para mapalakas ang war effort ng Moscow sa Ukraine.
Sinabi din ni Putin na magiging epektibo ang martial law sa apat na rehiyon bago umanib ang mga ito sa Russia. Sa ngayon, kailangan na maisapormal ang kanilang rehimen alinsunod sa Russian legislation.
Agad na ibibigay ang pirmadong decree sa Federation Council para ikonsidera ang pagpapatupad ng martial law sa mga rehiyon.
Ang hakbang na ito ng Pangulo ng Russia ay halos walong buwan na mula ng sumiklab ang giyera at ito din ang latest escalation na ginawa ni Putin bilang opensiba sa ilang serye ng malaking pagkatalo nito sa kamay ng Ukrainian forces simula noong Setyembre.
Ayon kay Putin ang pagdedeklara nito ng martial law ay magpapataas sa stability o katatagan ng ekonomiya, industriya at suporta sa tinawag ng Russia na special military operation nito sa Ukraine.