Naniniwala ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malaking tulong ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao dahilan kaya kanilang inirekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ito ng isang taon.
Lalo na raw ngayon na nakatutok ang militar sa rehabilitasyon sa Marawi at para labanan ang mga ginagawang aktibidad ng mga Daesh terrorists at ng kanilang mga sympathizers.
Ayon kay AFP acting spokesperson Marine Col. Edgard Arevalo, mahalaga ang Martial Law extension dahil makakatulong ito sa pagpapanatili ng kanilang momentum sa kampanya laban sa teroristang grupo.
Dahil dito hindi raw mabibigyan ng pagkakataon ang mga kalaban na makapag re-group at makapag-recruit pa ng mga bagong miyembro.
Aniya, kapag hindi umiiral ang Martial Law ay mahihirapan ang militar sa rehabilistayon at maging sa iba pang mga war torn areas.
Giit ni Arevalo, importante na kontrolado ng militar ang sitwasyon para hindi maabala ang kanilang trabaho.
Inamin ni Arevalo na may banta pa rin silang natatanggap mula sa teroristang grupo sa Mindanao.
Tumanggi namang magkomento at magbigay pa ng detalye kaugnay sa nilalaman ng kanilang rekomendasyon ang AFP.
Nakatakda kasi itong ilahad ng AFP at PNP sa gagawing pagdinig ng Kongreso ngayong linggo.