-- Advertisements --

Itinalaga na si dating world champion Mark “Magnifico” Magsayo bilang No. 1 contender sa WBC super featherweight division, ayon sa pinakabagong rankings ng sanctioning body.

Dahil dito, si Magsayo na ang pangunahing challenger sa world title ni American boxer O’Shaquie Foster, na posibleng kaharapin niya sa isang championship bout ngayong taon.

Umangat si Magsayo mula sa No. 2 spot, matapos patalsikin si Eduardo Hernandez ng Mexico. Kasama rin sa top contenders sina Michael Magnesi ng Italy at Raymond Ford ng U.S.

Nananatili rin si Magsayo sa No. 3 ranking ng WBO, kaya’t bukas pa rin ang pinto para sa title shot sa ilalim ng ibang organisasyon.

Ang 30-anyos na tubong Bohol ay may 28 panalo (18 knockouts) at dalawang talo.

Mula nang umakyat sa super featherweight, apat na sunod na panalo na ang naitala niya — pinakahuli kontra kay Jorge Mata Cuellar noong Hulyo 19 sa Las Vegas.

Habang si Foster, 31, ay may record na 23-3 (12 knockouts) at huling lumaban noong nakaraang taon nang maagaw muli ang WBC title kontra kay Robson Conceição ng Brazil.