Nakasagupa ng mga operating troops ng Marine Batallion Landing Team 4 (MBLT-4) ang nasa 15 miyembro ng New People’s Army (NPA) kaninang alas-11:00 ng umaga sa Barangay Malihud, Bataraza, Palawan.

Ayon kay Western Command spokesperson Capt. Cheryl Tindog, nagsasagawa ng focused military operations ang mga sundalo nang makaengkuwentro nito ang isang grupo ng communist terrorists (CPP-NPA-NDF) o Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Sinabi ni Tindog na tumagal hanggang tanghali ang labanan at pagkatapos ay nakadiskubre ang militar ng mga bakas ng dugo kaya pinaniniwalaang nagtala ng casualties sa hanay ng rebeldeng grupo.

Nakarekober din ang militar ng isang carrier bag mula sa CPP-NPA-NDF na may mga lamang improvised explosive device (IED) na posibleng gagamitin sana sa planong roadside bombing ng komunistang grupo.

Giit ni Tindog na ang mga ibinibigay na impormasyon ng mga sibilyan sa militar ay patunay na panalo ang team West Com sa pagkakaroon ng epektibong relasyon sa komunidad ng Bataraza.

Patunay din ito na nakaalerto ngayon ang mga sibilyan laban sa presensiya ng CPP-NPA-NDF.