Nangako ang Maritime Industry Authority (MARINA) na itulak ang ilang legislative agenda na mahalaga sa pagpapabuti ng maritime sector ng bansa.
Sa katatapos na tatlong araw na mid-year performance assessment and planning conference (MYPAPC), nangako ang ahensya na isusulong ang Amendment ng RA 9295 o ang Domestic Shipping Development Act of 2004.
Para naman sa 20th Congress, target nito na isulong ang National Legislation of Marine Pollution Convention, at ang National Legislation on Hongkong Convention.
Sinabi pa ahensya na bilang isang responsableng miyembro ng International Maritime Organization (IMO), layunin ng Philippines maritime industry na pagtibayin ang Bunkering Convention, HNS Convention, bukod sa iba pa.
Hinahangad din ng MARINA na gawing digital ang mga sistema at imprastraktura nito, gayundin na makamit ang Silver/Gold Award mula sa Civil Service Commission Prime-HRM, at Silver/Gold Trailblazer Award para sa Performance Governance System (PGS) nito.
Tinukoy ni MARINA Administrator Hernani Fabia ang mahalagang papel ng mid-year conference sa paghubog ng estratehikong direksyon ng MARINA.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng conference sa pagbibigay ng roadmap para sa mga programa ng ahensya, na nagpoposisyon sa MARINA upang epektibong gabayan ang maritime industry tungo sa pinahusay na katatagan.
Ayon naman kay Director Luisito Delos Santos ng Service Planning and Policy Service, ang mga resulta ng conference ay inaasahang magsisilbing balangkas para sa bawat aspeto ng MARINA, na naghihikayat sa isang maayos na diskarte sa pagsulong ng sektor ng maritime.