Naniniwala ang isang mambabatas na dapat nang maipasa ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act.
Hinikayat ni Marikina City 1st Dist. Rep. Marcy Teodoro ang mga kasamahan sa kongreso na maisama bilang prayoridad ang naturang panukalang batas.
Ito aniya kasi’y makatutulong upang mapalakas ang ‘transparency’ at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan kasabay at harap din ng mga paglubog sa bahang naranasan sa kalakhang Maynila.
Sa pamamagitan nito’y positibo siyang mas mahihigpitan ang pagbabantay sa kung papaano ginasta ang pambansang budget.
Bukod sa kamara, maging ang Senado ay may kaparehong bersyon kung saan ang may-akda at pangunahin sponsor ay si Sen. Bam Aquino.
Sa panukalang batas, inaatasan ang lahat ng ahensiya na mag-upload sa isang digital platform ng mga dokumentong may kaugnayan sa budget.
Layon dito na maging ‘accessible’ sa publiko ang rekords at magkaroon ng pagkakataon na masubaybayan ang paggastos ng pamahalaan sa pondo ng bayan.
















