-- Advertisements --

Hindi umano titira si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa loob Palasyo ng Malacañang sakaling maupo na sa puwesto simula sa Hunyo.

Kung maalala lumaki sa Palasyo si Marcos sa loob ng dalawang dekada na pamumuno ng kanyang ama.

Ibinunyag ni Sen. Imee Marcos, na bago pa man manalo ang kanyang kapatid sinasabi raw nito na hindi siya titira sa Malacañang.

Biro pa ng senadora, noong bata pa raw ang kanyang kapatid ay wala raw ginawa ito noon kundi tumakas ng tumakas.

Kaya naman daw kung tutuusin ay labis labis na at sobra na ang paninirahan nila doon sa Malacanang.

Kung maalala ang Pangulong Duterte ay hindi tumitira sa loob ng Palasyo kundi sa mas pinagandang Bahay Pangarap” o “House of Dreams” na nasa Malacañang Park na tatawid pa ng Pasig river.

Maging si yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino ay doon din namalagi sa Bahay Pangarap o kaya sa bahay ng mga Aquino sa Times Street, Quezon City,

Noong maging presidente naman si dating yumaong Cory Aquino, doon naman ito tumira sa tinaguriang Borloloy building sa tapat ng palasyo o tinatawag na Arlegui Guest House.

Si dating Presidente Joseph Estrada ay nag-oopisina naman at nanirahan sa tapat din ng Palasyo na tinagurian namang Premier Guest House.

Samantala, inamin din naman ni Imee na sa panunungkulan ni incoming President Marcos ang importante raw ay maiahon ang kanilang pangalan at ang apelyido nila.

Gayundin ang legacy daw ng kanilang ama ay mabalikan at mapag-aralan muli.