-- Advertisements --
Marcelito grand finalist

Umapela si Marcelito Pomoy na patuloy siyang suportahan at subaybayan lalo ng mga kababayang Pinoy kasunod ng pagkakapasok sa grand finals ng “America’s Got Talent (AGT): The Champions.”

Ayon sa 35-year-old Filipino singer, hindi pa rin siya makapaniwala na matapos maging semi finalist ay makakalusot uli siya para sa grand finals.

Maging siya aniya ay nagtatanong sa sarili kung paano nabiyayaan ng talento kung saan kaya niyang kumanta ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.

Tanging ang Diyos lamang daw marahil ang makakasagot dahil ito rin ang nagkaloob sa kanya ng kakaibang talento na ngayon ay kinikilala na sa international stage.

Una rito, muling nagpasiklab ang pambato ng Pilipinas sa semi-finals round kahapon oras sa Pilipinas.

Nakatanggap uli siya ng ng standing ovation mula sa mga judge na sina Howie Mandel, Alesha Dixon, Heidi Klum at Simon Cowell, para sa rendisyon sa “Con Te Partirò” o “Time to Say Goodbye” ni Andrea Bocelli.

Mandel: “I gotta say that I believe that you have the best shot of winning this whole thing. This is the semifinals and you raised your game. The woman in you was just as good as she was the last time. But you as a man, you went up a notch. She tried to stay up with you but she couldn’t.”

Dixon: “It really enabled you to shine. I just love everything about you Marcelito. That was a fabulous performance, well done.”

Cowell: “If you make the final, I think you’ve got to take a bigger risk, because the surprise is now over.”

Samantala, kabilang sa makaka-showdown ni “Mars” Pomoy sa grand finals ay ang German singer/dancer na si Hans, violinist na si Tyler Butler-Figueroa, dog trainer act na si Alexa Lauenburger, circus performer na Sandou Trio Russian Bar, at acrobatic pair na Duo Transcend.

Haharapin nilang lahat sa susunod na linggo ang apat na “golden buzzer” acts o yaong otomatikong pasok bilang grand finalist na sina Angelina Jordan, Boogie Storm, V. Unbeatable, at Silhouettes.

Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.

Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.