Nanantiling “moving target” ang rehabilitation ng Marawi City, ayon kay Anak Mindanao party-list Rep. Amihilda Sangcopan.
Pabago-bago pa rin kasi aniya hanggang sa ngayon ang timeline at commitments ng gobyerno para sa pagbangon ng Marawi City.
Iginiit ni Sangcopan na masyado nang delayed ang rehabilitation ng lungsod, pati rin ang pagbalik ng mga residente nito.
Ayon kay Sangcopan, magkakaiba ang mga pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan kung kailan maaring makabalik sa kanilang tahanan ang mga residente ng Marawi City.
Tinukoy nito ang mga napag-usapan dati sa pulong ng Task Force Bangon Marawi kung saan sinasabi ng mga opisyal ng pamahalaan na maari nang makabalik sa kanilang tahanan ang mga residente ng Lungsod noong Hunyo 2019.
Pero ngayon, sinasabi naman ni Task Force Bangon Marawi chairperson Eduardo Del Rosario na sa Oktubre pa maaring makabalik sa kanilang tahanan ang mga lumikas na residente.