Umapela si House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang proposed Marawi Compensation Bill.
Apat na taon na kasi aniya ang nakalilipas matapos na makalaya ang Marawi City mula sa mga kamay ng mga extrimist pero hanggang sa ngayon ay hindi pa tapos ang rebuilding at rehabilitation sa lungsod.
Kasabay nito ay umapela si Hataman na aprubahan ang panukalang batas na ito sa lalong madaling panahon para maisama ang alokasyon sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.
Huling State of the Nation Address (SONA) na aniya ni Pangulong Duterte ngayong 2021 at ang Marawi Compensation Bill ay isa sa magiging legasiya nito kapag maging ganap na batas.
Nangangamba si Hataman na kung hindi gawing prayoridad ang Marawi Compensation Bill ay hindi na ito maharap ng Kamara at Senado bago pa man maaprubahan ang 2022 budget, at matabunan na naman ng iba pang usapin katulad na lamang ng Charter Change at ng extension ng transition period ng BARMM.
Bukod dito, maari rin aniyang mag-expire na lamang ang pondo ng pamahalaan dahil sa kakulangan sa implementasyon, katulad ng nangyari sa P406 million 2018 Marawi fund budget na ibinalik lamang sa National Treasury noong 2019.