-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng isang dating kasapi ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) na napasok na ng kanilang recruitment activity ang maraming mga unibersidad at kolehiyo sa Cagayan de Oro.

Sinabi ng nagbalik loob sa gobyerno na si alyas Lalaine, may mga ginagawa na silang pang rerecruit sa mga estudyante sa mga paaralan kagaya na lamang ng Cagayan de Oro College-PHINMA, Pilgrim Christian College, Xavier University, Liceo de Cagayan University at Don Mariano College na ngayon ay University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP).

Ayon sa dating rebelde, nagsisilbi umano nilang tulay ang kanilang mga kakilala sa loob ng paaralan upang makahikayat ng mga estudyante na sumanib sa kanilang grupo.

Itinatanim umano sa utak ng mga mag-aaral na dapat ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paaralan hanggang isinasama na sila sa mga ginagawang rally laban sa gobyerno.

Si alyas Lalaine ay isa lamang sa marami ng nagbalik loob sa pamahalaan dahil na rin sa walang humpay na kampaya ng gobyerno na pabalikin ang mga armado sa normal nitong pamumuhay.