Aminado ang Department of Health (DOH) na kailangan pa ng improvement sa ginagawang response ng gobyerno sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, natukoy na nila kung alin ang weaknesses o naging kahinaan sa response ng bansa sa nakalipas na ilang buwan.
Nilinaw ng opisyal na hindi ibig sabihin nito na kulang ang ginagawang hakbang laban sa pandemic, pero dahil bagong uri ng virus ang SARS-CoV-2, na nagdudulot ng COVID-19, ay nagbabago rin ang mga pangangailan kontra dito.
“The virus at mga nangyayari is evolving. Per day nagbabago, so pwedeng may protocol kami ngayon, bukas nabago na siya kasi may bagong ebidensya na lumabas.”
“Gusto natin lahat ay mag-improve in time so that we can have more appropriate response.”
Ilan sa mga nais ng Health department na mapaunlad pa ng bansa sa COVID-19 response ang information system at pagkakaroon ng dagdag na mga pasilidad.
“Kailangan ma-automate natin lahat. Kailangan makagamit ng automation, mas naa-analyze natin yung data.”
“Gusto pa rin nating dumami yung mga facilities natin, aside from what we have right now. So talagang tayo working day and night especially our licensing officers, RITM, na talagang sa laboratoryo in two weeks time may target kami, kailangan malisensyahan namin this much.”
Sa kasalukuyan, may 63 laboratoryo na ang lisensyado ng DOH para sa COVID-19 testing. May 142 pa na nasa Stage 3 pataas ng accreditation.
Ang bilang naman ng contact tracers ay nasa 52,794 na raw ayon sa Department of Interior and Local Government na nangunguna sa contact tracing.
Samantalang ang community isolation beds ay nasa 65,328. Sa mga ospital naman, aabot sa 13,108 ang bed capacity na nahahati sa ICU, isolation at mga ward facilities.