Sinimulan na rin ng San Miguel Corporation (SMC) ang pagpapadala ng sarili nitong mga doktor at nurse bilang “loan” ng mga local government units (LGUs) para tumulong sa pagpapatupad ng vaccination program ng pamahalaan.
Ito ay habang hinihintay ang buwan ng Hunyo, hudyat nang pagsisimula ng sariling nationwide vaccination ng nasbaing kumpanya para sa halos 70,000 empleyado nito.
Ayon kay SMC president Ramon Ang, marami pang paraan para suportahan ang vaccination efforts ng pamahalaan — isa na rito ang pamamahagi ng resources gaya ng medical professionals na empleyado ng naturang kumpanya.
Sa ngayon ay isinasapinal na lang ng SMC ang plano nitong pagbabakuna at hinihintay na lang ang pagdating ng mga bakuna na ipapamahagi sa mga empleyyado nito.
Umaasa rin aniya ang SMC na malaki ang maitutulong nito sa vaccination efforts ng pamahalaan.
“We will help in any way we can because vaccination is really the best way we can protect ourselves and our loved ones, and honestly, our best chance to end this pandemic,” wika ni Ang.
Pagbabahagi ni Ang, noong nakaraang linggo ay nagpadala na sila ng dalawang doktor at 17 nurse sa mga vaccination sites sa Mandaluyong City, at ngayon ay pinag-aaralan na rin ang parehong hakbang sa iba pang lokal na pamahalaan sa mga dadating na linggo.
Una nang nangako ang kumpanya na tutulong sa pagpapaigting ng vaccination efforts ng gobyerno sa pamamagitan ng libreng pagbabakuna sa halos 70,000 empleyado nito sa buong bansa. Kinabibilangan ito ng mga employers at empleyado ng third-party providers.
Bilang parte ng plano ay binabalak na rin ng SMC na mag-hire ng 300 medical workers para umagapay sa gagawing pagbabakuna.