-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Foreign Affairs na ang mga linyang inilalarawan sa pelikulang “Barbie” ay hindi hihigit sa isang kathang-isip o imaginary world map.

Inilabas ng DFA ang pahayag isang araw matapos isiwalat ni Sen. Francis Tolentino na walang nakitang basehan ang Movie and Television Review and Classification Board para ipagbawal ang pelikula sa diumano’y paglalarawan ng nine-dash-line ng China.

Ayon sa nasabing departamento, sa maingat na pagreview sa pelikula, hindi kumbinsido ang departamento na ang mga linyang ipinakita ay naglalarawan ng anumang bagay na higit pa sa isang haka-haka na mapa ng mundo.

Dagdag dito, tiwala ang DFA na gagawin ng Movie and Television Review and Classification Board ang lahat ng makakaya sa pagpapatupad ng kanilang mandato.

Kaugnay niyan, ipinagbawal ang pelikulang “Barbie” sa Vietnam dahil sa isang mapa na diumano’y naglalarawan sa nine-dash-line ng China, ang batayan ng bansa para sa napakalaking pag-angkin nito sa West Ph Sea.

Kug matatandaan, inalis na ng Pilipinas ang pagpapalabas ng dalawang pelikula na Uncharted noong 2022 at Abominable noong 2019 dahil sa isang eksenang nagpakita ng nine-dash line map ng China na nakapasok sa karagatan ng Pilipinas.

Una na rito, sa kaso ng “Barbie,” sinabi ng MTRCB na ito ay walang batayan upang ipagbawal ang pelikula dahil walang malinaw o tahasang paglalarawan ng ‘nine-dash line’ sa paksa ng pelikula.