Nagpaliwanag ang isang opisyal mula sa CF Sharp Crew Management Inc., matapos itong akusahan na tila pinabayaan ang 400 seafarers nito sa mga hotels sa Maynila sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay Miguel Rocha, presidente at chief executive officer ng nasabing manning agency, sumunod lamang daw ang kumpanya sa mga ipinapatupad na quarantine protocols ng gobyerno.
Karamihan umano ng mga manlalayag na nananatili sa mga hotels noong Oktubre ay na-delay dahil sa mga nagdaang bagyo, tumataas na kaso ng COVID-19 infections sa kanilang mga kasamahan, at iba pang isyu.
Pinayuhan din ng kumpanya ang lahat ng crew na dahil may dinapuan ng nakamamatay na sakit sa kanila ay kailangang iurong ang petsa ng kanilang pag-alis. Ang sinumang tutol dito ay binigyan ng pagkakataon na umuwi na lamang ngunit kailangan nilang mag-resign sa kanilang pinirmahang posisyon at maghintay ng bagong lineup.
Bawat manlalayag ay kinailangang sumailalim sa self-isolation sa mga hotels na binayaran ng ahensya at shipping partners nito. Posible aniya na tumakas ang mga ilang crew na nagpositibo sa COVID-19.
Iginiit din ni Rocha na hindi nila kinulong ang mga manlalayag, taliwas sa mga naglabasang ulat. Sumusunod lang umano ang kumpanya sa mga requirements na itinakda ng pamahalaan.
Dagdag pa ng opisyal, hinintay pa nila na matapos ang pagdaan ng mga bagyo bago pasakayin muli sa barko ang mga seafarers, dahil daw dito ay hindi na valid ang kanilang COVID-19 test results kung kaya’t kailangan nilang sumailalim ulit sa panibagong testing.
Kung maaalala, inakusahan ni 1PACMAN Rep. Enrico Pineda ang naturang ahensya dahil sa umano’y ginagawa nitong “quarantine overkill” sa daan-daang manlalayag na nasa “solitary confinement” sa dalawang hotels sa Maynila.