-- Advertisements --

Muling tiniyak ng Manila Water sa kanilang mga customers na tuloy-tuloy ang pagsusuplay nila ng tubig sa kanilang mga customers ngayong papalapit na ang dry season.

Ayon kay Manila Water spokesperson Jeric Sevilla Jr., kahit patuloy daw ang pagbulusok ng lebel ng tubig sa Angat dam na mas mababa na sa 17 meters sa normal high operating level na 212 ay patuloy pa rin nilang susuplayan ng tubig ang kanilang mga customers.

Mayroon na rin umanong contingency at augmentation plans ang Metro Manila East Zone concessionaire habang tinatrabaho naman at nakikipag-ugnayan na sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Water Resources Board (NWRB) para tulungang masiguro ang patuloy na water supply hanggang sa peak demand periods.

Kabilang daw sa kanilang mga contingencies ang maximization ng 100 million-liter-per-day (MLD) capacity ng Cardona Water Treatment Plant na kumukuha ng tubig sa Laguna Lake.

Kabilang pa rito ang operasyon ng mga deep wells na puwedeng makapagbigay ng karagdagang 115 million-liter-per-day at ang operasyon ng 20 million-liter-per-day Marikina Portable Water Treatment Plant na mayroong water treatment sa tubig na galing sa Marikina River.

Maliban dito, sinabi ni Sevilla na ang operational adjustments ay ipinatutupad na rin gaya ng backwash recovery o ang muling pagsasailalim sa treatment process sa wastewater byproduct at ang water pressure management sa East Zone kapag kinakailangan.