Ipinupursige ngayon sa Senado na ituloy ang pagsisiyasat sa mga kontrata at accomplishment record ng Manila Water at Maynilad Water Services.

Base sa inihaing Senate Resolution 259, sinabi ni Sen. Imee Marcos na kailangang busisiin ng Senado ang mga orihinal at pinalawig na concession agreement ng dalawang water companies para malaman kung paano nalagay sa alanganin ang gobyerno at kung bakit hindi nila naisagawa ang kanilang mga obligasyon sa publiko.

Una rito, hindi naitago ng Pangulong Rodrigo Duterte ang galit sa Manila Water at Maynilad, kahit pa tumiklop na ang mga ito sa pagpupumilit na magbayad ang gobyerno ng lagpas sa P10 billion na utang at magtaas ng presyo sa tubig sa darating na Enero.

“Itutuloy pa rin ni PRRD ang laban sa di makatarungang kontrata hinggil sa ating tubig! Kung natalo sila agad sa Round One, tuluyan pang titiklop ang mga mapagsamantala sa mga susunod na kaso,” wika ni Marcos.

Kinondena rin ni Marcos ang tila “social inequality” o hindi patas na pagpapatupad ng water supply interruption schedules ng Manila Water at Maynilad.

Inihalimbawa ni Marcos ang ilang mga ekslusibong village sa Metro Manila na mayroon lang apat na oras na scheduled interruptions sa madaling araw.

Samantala, ang ilang mga lugar sa Maynila, Caloocan City, Quezon City, Valenzuela, at maging sa Bacoor at Imus sa Cavite na karamihan ay mahihirap ang nakatira ay nakararanas ng aabot sa 19 na oras hanggang 21 oras na scheduled interruptions sa buong maghapon.

Pinuna rin ni Marcos na halos huli na ng dalawampung taon ang dalawang water concessionaire para gampanan ang kanilang mga obligasyon sa publiko.

Nakasaad aniya sa kasunduan sa pagitan ng Manila Water at Maynilad na kapwa nila sisiguruhin ang walang patid na suplay ng malinis na tubig bente-kuwatro oras, bago o pagsapit ng June 30, 2000. Tatlong taon matapos na isa-pribado ng gobyerno ang mga serbisyong pantubig.

Dagdag pa ni Marcos, hindi rin nakumpleto ng dalawang water companies ang isang sewage treatment system o sistema ng paglinis sa maduming tubig na sanhi ng malalang polusyon sa mga ilog ng Metro Manila at sa Manila Bay.

Sinisikap din ng Senate Resolution 259 na gumawa ng mainam na batayan sa batas para sa mga kontrata ng mga pribadong kumpanya at ng gobyerno sa darating na panahon, ani Marcos.