-- Advertisements --

Umapela si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., sa mga lider ng bansa na huwag gamitin ang dasal para sa kanilang political points.

Ito ay sa gitna ng umiinit na usapin kaugnay ng People’s Initiative.

Ayon kay Abante, kapag nagdarasal ang tao direkta itong nakikipag-ugnayan sa Ama.

Si Abante ay isang senior pastor ng Metropolitan Bible Baptist Church at pangulo ng Bible Believers’ League for Morality and Democracy (BIBLEMODE), na mayroong 6,000 miyembrong Baptist pastor sa bansa.

Sinabi ni Abante na dapat ay palaging alalahanin ng mga mananampalataya na: “our prayers are sacred; they should unite us in our common humanity and shared divinity, not be used as tools for division or self-promotion.”

Umapela rin si Abante sa mga mambabatas na manatiling magalang at propesyonal sa gitna ng umiinit na debate sa People’s Initiative.

Ginawa ni Abante ang pahayag matapos ang kontrobersyal na panalangin ni Sen. Imee Marcos sa Jesus is Lord Worldwide Prayer and Vision Casting 2024 na ginanap sa Norzagaray, Bulacan noong Sabado, Enero 27 kung saan isinama nito ang isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa kanyang dasal.