Naglabas ang Manila North Cemetery (MNC) ng guidelines bilang paghahanda sa nalalapit na Undas 2023.
Magbubukas ang mga pangunahing gate ng sementeryo simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lamang.
Pansamantalang isasara ang interment at cremation operation simula sa Okt. 28 at magpapatuloy sa Nobyembre 3.
Pinaalalahanan din ng Manila North Cemetery ang publiko na ang paglilinis, pagpipinta, at pagsasaayos ng mga puntod ay hanggang Oktubre 25 lamang.
Sinabi ng pamunuan na mahigpit nitong ipagbabawal ang mga inuming nakalalasing o alak at mga baril sa loob ng kanilang lugar simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Hindi rin pinapayagan ang anumang uri ng nasusunog na materyales at matutulis na mga bagay.
Ipagbabawal din ang mga vendor, deck card, at videoke o anumang sound system sa loob ng sementeryo upang maiwasang magdulot ng malalakas na tunog.
Magpapatuloy ang operasyon ng mga tanggapan ng MNC pagkatapos ng holiday sa Nobyembre 3.