-- Advertisements --
naia

Humihingi ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero ng Terminal 3 at iba pang stakeholders sa paliparan para sa abalang dulot ng pagkaputol ng kuryente na nagsimula bandang alas-11 ng gabi ng Biyernes at natapos ng madaling araw ng Sabado.

Sa isang press release, sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang pagkawala ng kuryente ay nakagambala sa operasyon ng paliparan dahil ang mga airline ay kailangang gumamit ng manual check-in at pagkarga ng mga bagahe habang ang pagproseso ng mga pasahero sa immigration ay mas matagal kaysa karaniwan.

Gayundin, sinabi nito na ang pamunuan, kasama ang Meralco, ay nagsagawa ng joint probe upang matukoy ang sanhi ng problema na natunton sa Terminal 3 power substation.

Simula alas-6 ng umaga ng Sabado, naibalik na ang kuryente sa lahat ng lugar ng Terminal.

Nasa 16 international at 15 domestic flights ang apektado ng insidente.

Sinabi nina DOTr Secretary Jaime Bautista at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong na ginagawa na ngayon ang aksyon upang maiwasang maulit ang insidente.