Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa publiko na handa ito sa pagdami ng mga pasahero ngayong darating na holiday season.
Sinabi ng ahensiya na nakiisa ito sa Department of Transportation sa kanilang paghahanda para sa taunang OPLAN Biyaheng Ayos para sa darating na Undas at Christmas holidays.
Kabilang sa mga hakbangin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ay ang pag-set up ng isang Oplan help desk para tulungan ang mga pasahero at magiging focal point para sa lahat ng mga katanungan sa airport o airline concerns.
Ang mga tauhan mula sa Civil Aeronautics Board, samantala, ay aasikasuhin ang mga isyu tungkol sa mga karapatan ng pasahero.
Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na hinikayat din nito ang mga airline operator na magtalaga ng mga focal person na tutulong sa mga airline-related concerns at makipagtulungan sa mga duty representatives sa Oplan desk.
Sisiguraduhin din ng ahensya ang tamang deployment ng equipment at manpower resources para mapadali ang paghawak ng mga flight.
Umapela si General Manager Cesar Chiong sa mga pasahero na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health protocol at makipag-ugnayan sa mga airline tungkol sa mga kinakailangan sa pagpasok na maaaring kailanganin sa kanilang destinasyon.