Inilunsad ang isang manhunt laban sa isang dayuhan na tumakas mula sa lugar ng Pasay City ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ginamit bilang detention facility para sa mga naaresto noong Agosto 1.
Sinabi ni Department of Justice Assistant Secretary Jose Dominic F. Clavano IV na nakatakas ang Chinese national mula sa Rivendell Global Support, Inc. na matatagpuan sa Pasay City kung saan siya nakakulong kasama ang 28 iba pang dayuhan.
Aniya, bumuo na ang DOJ ng isang tracker team na magsasagwa ng manhunt sa nawawalang POGO employee.
Ang tracker team ay binubuo ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) at Fugitive Search Unit (BI-FSU) ng Bureau of Immigration.
Dagdag ni Clavano, hindi pa malinaw kung paano nakalabas ang Chinese national sa nasabing pasilidad.
Ang nawawalang Chinese at ang 28 iba pang dayuhan ay nahaharap sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 111 ng mga kasong paglabag sa Section 28.1 ng Republic Act No. 8799, ang Securities Regulations Code.
Nahaharap din sila sa DOJ sa reklamo para sa cybercrime-related fraud.
Sinabi ni Clavano na ang co-respondent ng mga dayuhan sa reklamong may kinalaman sa cybercrime ay 85 Pilipino na naaresto rin sa mga opisina ng kumpanya ng POGO.