GENERAL SANTOS CITY – Naiuwi na sa General Santos City ang bangkay ng isang mangingisda matapos ang isang linggong nasa ice box ng isang fishing vessel.

Sinalubong ng mga taga Regional Maritime Unit Region 12 (RMU-12) ang bangkay ng biktima na si Marlon Tenajeros, 48, residente ng Brgy. Calumpang, General Santos City na isinakay sa FBTS 2018 fishing vessel.

Ayon kay PLt. Col. Eufrocino Morera Jr ng RMU-12, ang suspek na si Junnie Canillas, legal age, residente ng Brgy. Fatima, General Santos at ang biktima na magkasama sa MV Atlantis ay nag-away gamit ang kutsilyo dahil sa hindi malamang dahilan.

Sa imbetigasyon, sinaksak ng suspek ang biktima na sanhi ng agarang kamatayan nito habang ang suspek naman ay nagtangkang magpakamatay ngunit naagapan ng mga kasamahang mangingisda.

Nasa kustodiya na rin ng 1201st Maritime Police Station, General Santos ang suspek na mahaharap sa kaso.