-- Advertisements --

Hindi kailangan na gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face mask sa gitna ng outbreak ng sakit na tinatawag na whooping cough o pertussis sa lungsod ng Quezon.

Paliwanag ni Dr. Rolando Cruz, OIC ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division na hindi mandatoryo ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga indibidwal na wala namang sintomas ng naturang sakit.

Sa kabila nito, pinapayuhan ni Dr. Cruz ang mga adult na mayroong sintomas na magsuot ng face mask sa loob ng bahay at kapag lalabas lalo na kapag may kasamang mga sanggol o bata na hindi pa nabakunahan kontra sa sakit.

Una rito, idineklara ni Quezon city Mayor Joy Belmonte ang pertussis outbreak sa siyudad matapos makapagtala ng 23 kaso base sa datos noong Marso 20.

Sa kabatiran ng publiko, batay sa DOH ang pertussis ay isang nakakahawang sakit na nakamamatay lalo na sa mga sanggol.

Ito ay may influenza-like symptoms na kadalasang nagsisimula bilang isang karaniwang sipon o tuyong ubo na sinusundan ng ubo na palala ng palala na maaaring magtagal sa loob ng 1 hanggang sa 2 linggo matapos ang exposure sa sakit.

Mayroon naman umanong 4 na sanggol na less than 6 months ang nasawi na matapos dapuan ng sakit kayat pinapayuhan ang publiko na iwasang dalhin ang mga sanggol sa matataong lugar upang hindi ma-expose sa mga carrier ng sakit.

Ayon kay Dr. Cruz, maaaring mahawaan ang adults ng pertussis subalit minor lamang ang sintomas kapag bakunado na.