Umaasa si Iloilo Rep. Lorenz Defensor na sesertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala niyang mandatory re-education program para sa lahat ng mga may hawak na lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, iginiit ni Defensor na layon ng House Bill 3196 na mabawasan ang traffic violation, masolusyunan ang problema sa trapiko at kalaunan ay mabawasan na rin ang mga aksidente sa daan na nahahantong sa pagkasawi ng buhay.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng re-education ang mga drivers sa basic traffic laws at safety regulations kada limang taon bago mag-renew ng lisensya.
Lumalabas sa mga pag-aaral ayon kay Defensor, na “human error” ang pangunahing dahilan ng mga aksidente sa Metro Manila.
Kaya sa panukala ng kongresista, nais nitong maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng driver’s education ang mga non-government organizations na nagsusulong ng road safety.
Huhugutin ang pondo para rito sa road user’s tax.