Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may panuntunan pa ring kailangan sundin sa ipapatupad na mandatory disclosure sa impormasyon ng mga pasyenteng may COVID-19.
Tiniyak ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi isasapubliko ang impormasyon ng mga confirmed, probable at suspected case taliwas sa pahayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.
“Nais naming linawin na ang mga impormasyong idi-disclose ng COVID-19 patients ay hindi isasapubliko. Ito ay gagamitin upang mas maging epektibo ang contact tracing,” ani Vergeire.
Ayon kay IATF spokesperson Sec. Karlo Nograles, nakaayon sa Data Privacy Act ang pag-adopt nila sa polisiyang mandatory public disclosure ng personal information kaugnay ng COVID-19 positive cases.
Pero ani Vergeire, nakasaad din sa nabanggit na batas na kailangang ipaliwanag sa source ng impormasyon ang pagkuha ng datos, gayundin ang paggagamitan nito.
“Ang pagkuha ng mga detalye at gagawing contact tracing base sa mga detalyeng ito ay dapat ipaliwanag sa pasyente bago kunin ang personal nilang impormasyon.”
“Ang makukuhang personal na information tulad ng detalye sa mga lugar na pinuntahan, mga naging kasama ng COVID-19 patient ay para lamang sa kagawaran, local government officials, PNP at iba pang ahensya ng gobyerno na tumutulong sa contact tracing.”
“Ang mga impormasyong makakalap ay gagamitin lamang sa specific purpose, ang contact trace.”