-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na pagkalat ng coronavirus sa bansa, sinabi ng isang opisyal mula sa Department of Science and Technology (DOST) na hindi pa rin maaaring dumepende lang sa bakuna ang pamahalaan.

Sinabi ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), sa panayam ng Bombo Radyo, na kahit may madiskubre nang epektibo at ligtas na COVID-19 vaccine ay tiyak na mananatili ang ilang limitasyon na dulot ng pandemya.

“Bagamat may katotohanan na ang bakuna ay makakatulong sa pagpigil sa paglaganap ng virus, hindi tayo pwedeng umasa doon lang. Kung ako ang tatanungin, sa pag-iingat na ito ay kumalat, kahit may bakuna… magkakaroon pa rin tayo ng limitasyon na tinatawag na minimum health standards.”

“Malaki ang matutulong ng bakuna kung ito ay lalabas na agad, mababawasan ang mga maiimpeksyon. Mababawasan din ang magkakalat… (pero) kapag tayo ay naka-asa lang sa bakuna, pwede rin ito hindi maging epektibo. Magiging epektibo lang ang bakuna kung isasagawa yung lahat ng ating ginagawa ngayon.”

Ipinaalala ni Dr. Montoya ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay, social distancing, at pagsusuot ng face mask na ilan sa mga importanteng hakbang para mabawasan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa ngayon siyam na COVID-19 candidate vaccines na raw mula sa iba’t-ibang bansa ang nangunguna sa Phase 3 clinical trials, pero naka-depende pa rin sa tagumpay ng huling bahagi ng trials ang posibilidad na magamit ito ng mga tao.

Dito sa Pilipinas, pitong vaccine developers na ang nakapag-sumite ng kanilang mga confidentiality data agreement, isang uri ng kinakailangang dokumento sa aplikasyon ng clinical trials ng bakuna.

Ani Dr. Montoya, posibleng sa ikalawang quarter pa ng susunod na taon maging accessible sa mga Pilipino ang epektibo at ligtas na bakuna laban sa COVID-19.