Umaasa ang isang mambabatas na maipapasa agad ang kanilang panukalang batas na naglalayong mailikas din ang mga hayop sa tuwing mayroong mga dumadaan na kalamidad gaya ng bagyo.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Representative Alfred delos Santos, nais din kasi umano niyang mai-rescue ang mga livestock at work animals sa isinasagawang disaster response ng ating pamahalaan.
Nais daw niyang maging isa itong government policy at operations.
Nagkukulang daw kasi ang pamahalaan sa ganitong guidelines kaya dapat magkaroon ng effort para mailigtas din ang mga alagang hayop at mga livestock.
Paliwanag ng mambabatas, nakadepende raw kasi ang mga apektadong pamilya sa naturang mga alagang hayop pagkatapos ng ng kalamidad dahil pagkakakitaan pa rin nila ang mga ito.
Ilang mga probinsiya naman daw ang nag-e-evacuate sa mga alagang hayop gaya ng mga kalabaw at manok pero ito ay limitado lamang.
Dahil dito, sa pamamagitan daw ng kanilang House Bill 1915 o Animal Calamity Rescue Act ay layon nitong magkaroon ng formal animal at livestock rescue measures sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nakikita daw ni Delos Santos ang local agriculture at environment officers na siyang mayroong key roles at atasan din ang mga local residents at enterprises at magtalaga ng temporary holding areas para sa mga nailigtas na mga hayop.
Kapag ang mga alkalde at mga gobernador daw ay makikipagtulungan sa kanilang mga constituents ay siguradong maisasakatuparan ang kanilang panukala.
Naniniwala itong makakahanap ang mga local government officials ng paraan para mailigtas ang lahat hindi lamang ang mga apektadong mga residente kundi maging ang mga alaga nilang mga hayop.