-- Advertisements --

Hinimok ng isang mambabatas sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang makumpleto na ang mga listahan ng mga senior citizen sa bansa.

Ito ang panawagan ng Camarines Sur District Representative Luis Raymund Villafuerte Jr. sa mga opisyal ng LGU upang mas mabilis na makumpleto ang nasabing nationwide database na makatutulong sa pamamahagi ng mga pension at benepisyong laan sa mga matatanda.

Dagdag pa niya na bukod sa NCSC, tulungan din umano ang iba pang ahensiya sa pagtatayo ng Elderly Data Management system o listahan para sa matatandang pilipino na karapat-dapat sa cash bonanza.

Ang nasabing cash bonanza na ito ay napirmahan at aprubado na sa iilalim Republic Act 11987 na kung saan tinitiyak dito na makatatanggap ng mga 10,000 cash rewards ang mga senior citizen pagdating nila sa edad na 80, 85, 90, at 95 habang mabibigyan naman ng 100,000 ang mga matatandang aabot sa 100 taong gulang.

Sa ngayon, hindi pa kumpleto ang listahan ng mga nakakanta na malapit nang umabot sa mga nasabing edad kahit na nasa 4.1 milyong senior citizen na ang nakapagpalista sa official website ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).