-- Advertisements --

Ikinabahala ni ANAKALUSUGAN party-list Rep. Ray Reyes ang umanoy kakulangan ng mga masusustansiyang pagkain para sa maraming mga Pilipino.

Tinukoy ng Kongresista ang inilabas ng National Nutrition Council na datus kung saan 35% ng mga Pilipino ang hindi nakakakain ng masusustansiyang mga pagkain.

Ibig sabihin, apat sa sampung mga Pilipino ay hindi nagkakaroon ng masusustansiyang pagkain.

Dahil dito, umapela siya sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang inihaing House Bill 2189 o Zero Hunger Bill, upang masuportahan ang mga Pilipino na magkaroon ng sapat at masustansiyang mga pagkain.

Nakasaad sa nasabing panukala ang pagtatayo ng Commission on the Right to Adequate Food, na siyang maglalatag at magtataguyod ng mga polisiyang tutugon sa kawalan ng pagkain at malnutrisyon sa bansa.

Sa ilalim pa rin ng panukala, inaasahang matutugunan ang kagutuman sa bansa, pagsapit ng 2030.

Ayon sa Kongresista, panahon na upang matugunan ang malnutrisyon sa bansa, dahil marami ang apektado, lalo na ang mga bata.