Hinimok ng isang mambabatas si Vice President Sara Duterte na huwag nang mag-focus sa confidential funds at sa halip ay tumuon sa kanyang mandato bilang Education Secretary at pagbutihin ang kalidad ng edukasyon.
Ito ang naging reaksyon ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pahayag ni Duterte na ang mga sumasalungat sa confidential funds ay tumututol din sa kapayapaan at kumokontra sa estado.
Matatandaan na inihayag ni Duterte na kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan at kung sino man ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.
Bilang tugon, sinabi ni Castro na tila ipinapahiwatig ni Duterte na hindi na siya maaaring tanungin kung paano niya gagastusin ang kanyang mga pondo.
Nauna nang iniulat na ang Office of the Vice-President at Department of Education, na parehong pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte, ay humihiling ng pinagsamang P650 milyon na confidential funds para sa 2024.
Matatandaan din na ang Office Of the Vice President ay naging subject ng matinding interpellations dahil sa P125 milyon nitong confidential fund noong 2022, na ibinigay sa ahensya noong Disyembre 2022.
Napansin ng Commission on Audit na ginastos ng Office of the Vice President ang pera sa loob ng 11 araw.