ILOILO CITY – Tadyak ang inabot ng hepe ng isang police station sa Iloilo matapos mabatid ng provincial police director na hindi tama ang mga nakalagay na signages sa sementeryo ng sakop na lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo inamin ni police Maj. Rene Obregon Jr., hepe ng Estancia Municipal Police Station na pinisikal siya ni police Col. Roland Vilela, provincial director ng Iloilo PNP.

Hindi umano kasi niya nasuri kung tama ang pagkaka-pwesto ng signages sa labas ng mga sementeryo, gayundin na hindi maayos ang hanay ng mga street vendors kaya nagalit ang hepe ng pulisya sa lalawigan.

Nilinaw naman ni Obregon na posibleng nadala lang ng emosyon ang kanilang hepe kaya wala siyang sama ng loob dito.

Aminado ito na magsisilbing aral sa kanya ang insidente para mas maging mapagmatyag sa pagsuri ng mga ipinapatupad na kautusan sa nasasakupang bayan.