Kinumpirma ng pamunuan ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na pumanaw na ang Malaysian kidnap victim sa isang ospital sa Zamboanga City kahapon ng hapon.
Ayon kay WesMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, ang sanhi ng pagkamatay ng dayuhang si Jari Bin Abdullah ay dahil sa gunshot wounds nang barilin ito ng kaniyang mga kidnappers sa gitna ng rescue operation.
Sinabi ni Besana na pumirma ng waiver ang pamilya ni Abdullah na tanggalin na ang life support nito.
Kasama ng pamilya nito sa pag-witness sa ospital ang Malaysian Consul General at ilang opisyal ng International Monitoring Team.
Una rito, nailigtas si Abdullah ng mga tropa ng Philippine Marine Ready Force Sulu nitong April 4 matapos makasagupa ang grupo ni Najir Arik sa Simusa Island.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay sa pamilya si WesMinCom Commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega.
“We extend our heartfelt sympathy to the families of Abdullah. Our troops are exhausting all efforts to defeat the Abu Sayyaf and bring justice to the victims of terror,†mensahe ni Dela Vega.
Samantala, kahapon din nang pormal na tinanggap ni Indonesian DAFA Colonel Sigit Himawan Sutanto ang kababayan nilang kidnap victim na si Heri Ardiansyah.
Alas-2:00 ng hapon kahapon nang dumating sa Maynila ang labi ni Ardiansyah.
Habang ang cadaver ng isa pang Indonesian kidnap victim na si Hariadin ay nauna nang inilipad sa Metro Manila nitong Lunes ng gabi.
Sina Ardiansyah at Hariadin ay na-rescue ng mga sundalo noong April 5 sa Simisa Island.