-- Advertisements --

Patuloy ngayon ang diskusyon ng mga otoridad sa Malaysia sa paksa kung magpapadala pa sila ng kanilang delegasyon na lalahok sa 2020 Asean Para Games dito sa Pilipinas.

Kasunod na rin ito ng pagkamatay sa Maynila ng isang 44-anyos na Chinese national na dinapuan ng bagong coronavirus, na kauna-unahang kaso sa labas ng China.

Ayon kay Youth and Sports Minister Syed Saddiq Syed Abdul Rahman, nakatakda silang magkaroon ng pulong sa Health Ministry upang talakayin ang isyu.

Binigyang-diin din ng opisyal na pangunahin sa kanilang inaalala ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga atleta.

Sa hiwalay namang pahayag, sinabi ni Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo na magkakaroon sila ng federation meeting sa darating na Pebrero 8 hanggang 10 kasama ang mga opisyal mula sa 11 kalahok na bansa.

Matatandaang iniusog sa Marso ang Asean Para Games mula sa orihinal na petsa noong nakaraang buwan dahil sa umano’y problemang pinansiyal.