KALIBO, Aklan —- Aminado ang Malay Tourism Office na nagkaroon ng paglabag sa carrying capacity sa Isla ng Boracay noong Semana Santa lalo na noong Abril 14, Huwebes Santo at Abril 15, Biyernes Santo.
Ayon kay Malay Chief Tourism Operations Officer Felix delos Santos, kailangan umanong pag-usapan ng provincial government, Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang gagawing sistema.
Iginiit nito na ang inirekomendang daily threshold para sa Boracay ay 19,215 lamang, ngunit, ang tourist arrivals noong Abril 14 ay umabot sa 21,252 habang noong Abril 15 ay 22,519.
Nabatid na itinakda ang carrying capacity sa isla upang mapangalagaan ang paligid at water quality.
Noong 2018, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pansamantalang pagpapasara sa Boracay sa loob ng anim na buwan upang bigyang daana ng paglilinis at rehabilitasyon.
Sa kabilang daku, simula Abril 1 hanggang 17, umakyat sa 100,945 ang tourist arrivals sa isla, pinakamataas noong Holy Week na uambot sa 44,981.