-- Advertisements --

Hindi bababa sa 49 katao ang nasawi, kabilang ang apat na batang mag-aaral, matapos ang malalakas na pag-ulan at landslide sa Eastern Cape province ng South Africa, ayon sa mga opisyal nitong Miyerkules (local time).

Ayon kay Eastern Cape Premier Lubabalo Oscar Mabuyane, kabilang sa mga nasawi ang apat na bata, isang driver, at isang conductor ng school minibus na tinangay ng baha malapit sa lungsod ng Mthatha. Apat pang mag-aaral ang patuloy na pinaghahanap habang tatlo ang nailigtas.

Tinatayang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga lugar na matinding tinamaan ng sakuna.

Dagdag pa ni Mabuyane, kakaiba ang lakas ng ulan at pagbagsak ng niyebe ngayong taglamig. “We have never seen this kind of combination of snow and torrential rains in winter simultaneously,” aniya.

Ayon sa mga opisyal, maraming komunidad ang nalubog sa baha, at daang pamilya ang pansamantalang nasa mga evacuation center sa gitna ng malamig na panahon. Apektado rin ang mga imprastruktura, kabilang ang kuryente at suplay ng tubig.

Ipinahayag naman ni South African President Cyril Ramaphosa na patuloy na tumutugon ang National Disaster Management Centre sa mga krisis.

Samantala nanawagan naman ang mga opisyal ng karagdagang kagamitan at tulong, lalo na’t isang helicopter lang ang kasalukuyang nagagamit sa lugar.

Nagbabala naman ang national weather service na magpapatuloy pa ang sama ng panahon hanggang kalagitnaan ng linggo.

Batay sa Green Climate Fund, ang South Africa ay vulnerable sa epekto ng climate change, na nagdudulot ng mas madalas at mas matinding pagbaha, tagtuyot, at wildfire.