-- Advertisements --

Inihayag ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chair Teodoro “Teddy” Casiño na pinag-uusapan na ang pagsasagawa ng malawakang kilos-protesta kontra korapsyon ngayong Oktubre.

Ayon kay Casiño, layunin ng pagkilos na palakasin ang panawagan ng publiko laban sa katiwalian.

Aniya, may mga mungkahing magsagawa ng malaking sentralisadong rally bago ang nakatakdang protesta sa Nobyembre 30, kasabay ng Bonifacio Day. Naghahanda na rin ang iba’t ibang sektor para sa kani-kanilang mga pagkilos laban sa katiwalian.

Hinikayat din ng grupo ang mga paaralan, simbahan, at mga komunidad na magdaos ng sariling mass actions upang mapalakas ang tinig ng mamamayan.

Ibinunyag din ni Casiño na may mga panukalang ipagpaliban o huwag munang magbayad ng buwis bilang protesta, ngunit nilinaw niyang patuloy pa itong pinag-aaralan.

Ang Bayan ay kabilang sa mga grupong nangunguna sa mga protesta laban sa katiwalian, habang ang Church Leaders Council for National Transformation na nag-organisa ng “Trillion Peso March” noong Setyembre 21, ay muling magsasagawa ng anti-corruption rally sa Nobyembre 30.