Magbibigay ang Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong guro at lider ng malawak na professional development programs at courses na kinikilala ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP).
Batay sa memorandum na inilabas ng DepEd, bumuo ang kagawaran ng mga pamantayan sa requirements at proseso ng pagpapa-rehistro sa mga programang inaalok ng NEAP, iba pang opisina at unit ng DepEd, at non-DepEd entities.
Ang nasabing hakbang ay parte ng pagtulong ng DepEd sa pag-uugnay ng professional development ng mga guro sa pag-usad ng kanilang career.
Ayon din sa memorandum, nararapat lamang na kwalipikado ang mga pampublikong guro at lider base sa mga sumusunod: dapat ay may hawak na permanent item; dapat ay wala ring nakabinbin na administrative, civil or criminal na kaso; at dapat na hindi napatunayang nagkasala sa anumang paglabag.
Bukod pa rito, dapat ring pumayag ang mga lalahok sa programa na pumirma sa mga probisyon ng NEAP-recognized Professional Development Contract at maghanda na isagawa ang NEAP-PDP Action Plan.
Maaaring isumite ng mga pampublikong guro at lider ang kanilang pagnanais na mag-rehistro sa isang NEAP-recognized professional development program o course sa Schools Division Office (SDO).
Ibibigay naman ng Regional Offices ang listahan ng mga rehistradong kalahok mula sa mga SDO patungo sa Central Office at NEAP, kung saan aaprubahan din ito at isusumite ang listahan sa mga DepEd unit o Learning Service Provider na magsasagawa ng programa.
Matapos makumpleto ng mga kahalok ang programa, magbibigay ang NEAP ng certificates kung saan nakalagay ang Professional Development (PD) credit units na nakuha sa kasagsagan ng sesyon.