Good news ang sasalubong sa ating mga motorista bukas dahil magkakaroon ng malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa ikaapat na sunod na linggo.
Base sa oil monitoring ng Department of Energy (DoE), ang presyo ng diesel na siyang ginagamit sa public utility vehicles ay may tapyas na P3.20 hanggang P3.50 kada litro.
Habang ang gasolina naman ay mayroong bawas na P2.60 hanggang P2.90 kada litro.
Ang kerosene naman ang may pinakamalaking tapyas na aabot sa P4 hanggang sa P4.30 kada litro.
Kung maalala, ito na ang ikaapat na sunod-sunod na linggong may rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ng mga analyst na ang pagbaba ng presyo ng petrolyo ay dahil sa sluggish o matamlay na oil demand sa China dahil pa rin sa zero-COVID policy.