-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng ilang mga kritiko ang malaking pondo na inilaan ng Department of Health (DOH) para sa pagpapadala ng 14 na delegado sa 78th World Health Assembly sa Geneva, Switzerland mula Mayo 15 hanggang 25, 2026 na umabot umano ng mahigit P5 milyon.

Batay sa ulat, sagot ng pamahalaan ang lahat ng gastusin sa biyahe kabilang ang pre-departure expensesround-trip airfare ng mga opisyal.

Kabilang sa mga itinalagang delegado sina Undersecretaries Albert Francis Domingo at Gloria Balboa; Assistant Secretaries Mylene Beltran at Maria Kristina May Marasigan at ilang mga doktor.

Ang pagkakagastos sa naturang biyahe ay umani ng reaksiyon mula sa ilang sektor, partikular na dahil sa mga umiiral na suliranin sa pampublikong kalusugan sa bansa tulad ng kakulangan sa mga gamot, bakuna, kama sa ospital, at bilang ng mga health workers.

Kinuwestiyon din ng mga kritiko ang pagiging produktibo ng delegasyon at ang dumaraming bilang ng overseas travels ng pamunuan ng ahensya. 

Base sa mga naunang ulat, sumailalim na rin sa pagbusisi ng Senado ang sunod-sunod na biyahe sa ibang bansa ni Health Secretary Teodoro Herbosa. 

Samantala, itinalaga si Atty. Brigida Romualdez-Aquino bilang Officer-in-Charge (OIC) ng kagawaran habang nasa Europa ang mga matataas na opisyal.