-- Advertisements --

May aasahan daw na malaking laboratoryo para sa COVID-19 testing ang Central Luzon sa pagpasok ng buwan ng Mayo.

Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang virtual conference nitong araw.

Ang nasabing pasilidad ay proyekto raw ng Asian Development Bank at iba pang partner ng estado, na nakatakdang itayo sa Jose B. Lingad Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

“In 10-14 days, tapos ang pagseset-up nitong mga makina na ito pati proseso ia-ayos na. Hopefully, pagdating ng first week of May, maaari na natin itong gamitin,” ani Vergeire.

Naniniwala ang Department of Health na makakatulong ang malaking testing facility na testing capacity na sinasalo ngayon ng mga laboratoryo sa Metro Manila.

Tinatayang nasa 3,000 hanggang 5,000 tests kada araw umano ang kayang i-run ng itatayong facility sa Region 3.

Sa kasalukuyan, 17 laboratoryo pa rin ang certified ng DOH para sa COVID-19 testing.

Bukod sa iba pang laboratory facility na naka-pending ang certification, target din daw ng Health department na makipagtulungan sa pribadong sektor para makapagpatayo pa ng ibang malalaking laboratoryo sa buong bansa.