-- Advertisements --

Nagpaliwanag si Deputy Speaker Lray Villafuerte hinggil sa pagkakaiba nang infrastructure allocations para sa probinsya ng Camarines Sur at Taguig City, na kinuwestiyon ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves sa budget briefing ng DPWH noong nakaraang linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni Villafuerte, na kongresista ng ikalawang distrito ng Camarines Sur, na sa sinasabing P11.8 billion infrastructure para sa probinsya, tanging P3.3 billion lamang ang mapupunta sa kanyang distrito.

Kaya aniya lumobo ang kanilang infrastructure allocation sa ilalim ng 2021 proposed P4.5-trillion national budget ay dahil may dalawa silang flagship projects — ang CamSur Expressway at Pasacao-Balatan Tourism Highway.

Ganito rin aniya ang sitwasyon sa Taguig City, na distrito mismo ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Sinabi ni Villafuerte na sa distrito ni Cayetano ay may itinatayong C-6 highway kaya ang infrastructure allocation tumaas.

Ayon kay Teves, ang nakalaang pondo para sa infrastructure projects sa Taguig City ay pumapalo ng P8 billion.

Pero iginiit ni Villafuerte na hindi si Cayetano ang siyang naglaan ng infrastructure budgets para sa mga legislative districts, kundi ang executive branch.

Nauna nang pinuna ni Villafuerte ang palutang umano ni Teves, na binuo ng mga tagasuporta ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para maantala ang plano ng Kamara na tapusin ang budget deliberations sa katapusan ng buwan.

Mababatid na si Velasco ang magiging kapalit ni Cayetano sa speakership post base sa term-sharing agreement na binuo mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.