CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng Police Regional Office at Bureau of Fire Protection (BFP) Tuguegarao City ang pagsira sa libu-libong halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok mula sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Region 2.

Nanguna rin si PNP regional director Angelito Casimiro ng Police Regional Office (PRO-2) katuwang ang kawanihan ng pamatay sunog sa Tuguegarao sa pagsira sa libu-libung halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok mula sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Chivalier Iringan, tagapagsalita ng PRO-2 sinabi niya na ang mga sinirang paputok na kanilang nakumpiska ay piccolo, one star happy ball, luces, higad, pill box, judas belt, missile shot, paper cut, five star, pop pop at ball cracker na nagkakahalaga ng P15,000.

Sinabi ni Iringan na bagamat mababa ang bilang ng mga nakumpiskang paputok sa pagdiriwang ng bagong taon ay nalulungkot ang pamunuan ng PRO-2 dahil sa kabila ng patuloy na pagpapaaalala at mahigpit na pagmo-monitor ng pulisya kontra sa mga iligal na paputok ay mayroon pa ring nasasamsam.