Malakihang rollback ang sasalubong sa mga motorista bukas araw ng Martes.
Ayon sa mga energy sources, ang mayroong pinakamalaking rollback ay ang produktong diesel na mayroong tapyas na P3.50 hanggang sa P4.00 kada litro.
Habang mas mababa naman ang rollback sa gasolina na aabot sa P1.00 hanggang P1.30 kada litro.
Mas mataas kaunti ang bawas sa kerosene na P2.20 hanggang P2.40 kada litro.
Sinabi ni DoE- Oil Industry Management Bureau (OIMB) Assistant Director Rodela Romero na ang anticipated big-time fuel price rollback ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mainland China at ang mas mataas na crude inventory sa United States maging ang price cap na ipinataw sa Russian crude.
Ang oil price adjustment ay karaniwang inaanunsiyo sa araw ng Lunes at ipinatutupad sa araw ng Martes.
Samantala, sa kabila ng oil price rollback, may taas naman sa presyo ng kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) na sasalubong sa unang araw ng Disyembre.
Papalo sa P2 hanggang P3 ang nakikita ng Department of Energy (DoE) na dagdag sa presyo ng kada litro ng LPG o katumbas ng P22 hanggang P33 na dagdag sa kada 11 kilogram na regular cylinder ng LPG.
Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau director Atty. Rino Abad na ang buwan ng Nobyembre at Disyembre ay nararanasan talaga ang pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa impact period ng LPG inventory build-up.
Pero pagsapit naman daw ng Enero, Pebrero at Marso ay bababa na ang presyo dahil sa utilization period.
Kung maalala, ngayong buwan ang presyo ng LPG products ay may dagdag na P3.50 kada kilo habang ang AutoLPG prices ay tumaas naman ng P1.96 kada litro.