Hindi umabot sa kalahati ng mga nakaraang peak season ang bilang ng mga pasaherong bumyahe ngayong holiday break.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Armand Balilo sa panayam ng Bombo Radyo, minimal ang mga nai-record na outbound passenger at lalong kaunti ang inbound travelers.
Sa kabila nito, pinaigting pa rin ng PCG ang pagbabantay sa mga pantalan, lalo’t hindi lang volume ng mga pasahero ang kanilang inaagapan kundi maging ang minimum health protocols.
Paalala nito, magsuot pa rin ng face mask, face shield at pairalin ang social distancing, kung pupunta sa port area para makauwi sa mga lalawigan.
Samantala, nananatili pa rin ang mahigpit na pagbabawal sa pagbitbit sa byahe ng mga armas na maaaring makasakit, flamable materials at maging ang mga paputok at pailaw na gagamitin sa pagsalubong sa bagong taon.










