Naniniwala si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na na-misquote lang o namali ng interpretasyon ang pahayag ng Malacañang hinggil sa panukalang pagbabalik ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa isang panayam sinabi ni Acosta na imposibleng suportahan ng gobyerno ang muling implementasyon ng programa na nabalot ng kontrobersya dahil sa negatibo umanong epekto nito sa mga hindi pa nagkakaroon ng sakit na dengue.
“Kailangan maghanap talaga tayo ng vaccine pero kung wala pa at alam naman natin yung Dengvaxia ay pwede doon sa mga dati ng may dengue; at wala tayong naririnig na hindi, why don’t we try it? Ico-consider lang, we have to make a study,” ani Presidential spokesperson Salvador Panelo
Aminado ang abogado na hindi niya pa nakakausap ang tagapagsalita ng pangulo.
Pero malinaw umano na hindi sapat na basehan ang panukala ni dating Health secretary at Iloilo Rep. Janet Garin para ibalik ang naturang bakuna.
Una nang isinisi ng kongresista ang paglobo ng dengue case ngayong taon sa ginawang pag-pull out ng gobyerno rito.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag may (anti) dengue vaccine, wala ng magkakasakit. We were very clear since day one, the intention of the vaccination program is to reduce hospitalization by 80-percent and the severity by 93-percent, ibig sabihin may magkakasakit pa rin.”
Kung maalala, si Acosta ang nanguna sa pagsasampa ng patung-patong na kaso sa Department of Justice laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH kaugnay ng Dengvaxia controversy.