-- Advertisements --

Sinupalpal ng Malacañang ang paniniwala ni Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas na hindi dapat kumuha ng video o litrato ang publiko tuwing may nagaganap na krimen.

Para sa Malacañang, malaki ang maitutulong ng mga ebidensya na ito para sa isasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos ang karumal-dumal na pagpatay ni Police Staff Sgt. Jonel Nuezca kina Sonya Gregorio, 58-anyos, at anak nito na si Frank Anthony, 25-anyos.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, posible raw na magkaroon ng epekto ito sa buhay ng kumuha ng litrato o video pero kaya raw nandiyan ang teknolohiya ay upang mapabilis ang paglilitis ng mga lumalabag sa batas.

Saad pa ni Roque, kung siya raw ang tatanungin ay mas mabuti umano na nagkaroon ng ganitong video dahil napakadali raw patunayan ang pananagutan ng nasabing pulis. Isasailalim lang sa authentication ang video para malaman kung sino ang kumuha at matatanggap ito bilang ebidensya.

Binigyang-diin din ni Senator Bato Dela Rosa, dating PNP chief, ang importansya ng pagre-record sa mga ganitong krimen, ngunit nakasalalay na raw sa kumuha ng video kung handa siyang ilagay sa panganib ang kaniyang buhay dahil baka siya naman ang balingan ng shooter.