-- Advertisements --

Nilinaw ni House Deputy Majority Leader Mikey Arroyo na walang kinalaman ang Malacanang sa kanyang mungkahi sa Comelec na irekonsidera na ipagpapaliban ng halalan sa 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Arroyo na hindi niya nakausap ang ehekutibo, maging si Speaker Alan Peter Cayetano, patungkol sa rekomendasyon niyang ito.

Iginiit ng kongresista na nais lamang niyang mapaghandaan ng Comelec ang worst-case scenario lalo pa kung pagsapit ng Mayo 2022 ay banta pa rin ang COVID-19 dahil wala pa ring bakuna laban dito.

Nauna nang pinuna ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang naging statement ni Arroyo sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa 2021 budget ng Comelec.

Ayon kay Locsin, treason at labag sa demokrasya ang pagpapaliban sa halalan.

Pero binigyan diin ni Arroyo na hindi niya hangad na gumawa nang paglabag sa anumang umiiral na batas o palawigin ang termino ng mga nakaupong opisyal ng pamahalaan.